"Kay tagal kitang hinintay, Valerie."
"Mahal na mahal kita, Miguel."
Punung-puno ng pag-ibig ang Room 317 sa isang motel sa Cubao. Ang mga halik ng dalawang magkasintahan ay nagpapaalab sa malamig na hanging dulot ng aircon sa kwarto. Tila walang katapusan ang kanilang mga nakaw na sandali.
Damang-dama ni Miguel ang bawat halik at bawat yakap na kanilang pinagsasaluhan. Tunay ngang napakaganda ni Valerie. Mahaba ang buhok, maganda ang hubog ng katawan at makinis ang kutis. Kay tagal nya itong hinintay.
Sa banyo. Sa kama. Sa sahig. Sa mesa. Ang apat na sulok ng kanilang kwarto ay naging saksi sa pag-iisa ng kanilang mga katawan at kaluluwa. Malayang naglakbay sa kawalan ang mga ungol ng kamunduhan.
Muli silang pinagtagpo ng tadhana.
* * * * *
Para kay Miguel, minsan lamang dumating ang isang taong itinadhana sa iyo. Minsan lamang dumating ang taong kapanatag mo ng loob. At minsan lamang dumating ang taong kapanatag mo ng loob. At minsan lamang dumating ang tong mamahalin mo nang wagas.
Para sa kanya, ang taong iyon ay si Valerie.
Namatay ang ama ni Miguel noong siya’s munting sanggol pa lamang habang ang kanyang inang pinagbubuntis ang kanyang kapatid ay sumama sa ibang lalake. Naiwan siya sa piling ng kanyang lola. Palibhasa’y walang kinalakhang mga magulang, pilit niyang pinupunan ng makamundong pagnanasa ang pagmamahal na kanyang hinahanap. Subalit kahit anong kanyang gawin ay naroon pa rin ang kalungkutan sa kanyang buhay.
Nagbago ang lahat nang nakilala nya si Valerie.
Sa simula, inakala ni Miguel na kaparehas lang ng ibang babae si Valerie, kung ano ang kinaganda ay siyang kinadaling bilugin ang ulo. Kung kaya’t unang araw palang ng kanilang klase sa isang unibersidad ay pinormahan na nya ito. Inisip nyang, pare-pareho lang ang mga babae: kunin mo ang pangalan, ilibre mo sa sine o sa restawran, ihatid mo sa bahay, bigyan mo ng tsokolate at bulaklak, ay bibigay na ito. Para sa kanya, ganon kasimple dahil ganon kahina ang mga babae.
Gaya ng kanyang inang napakadaling iniwan sya.
Nang magtagal, napansin niyang siya’y nagkamali. Hindi pala pare-pareho ang mga babae. Noong unang pagkakataon sila’y nagtagpo, malutong na sampal at hindi matamis na ngiti ang sumalubong sa kanya.
"Miss, alam mo bang kanina ko pa napapansin na nag-iisa ka. Maaari bang makipagkilala," ani ni Miguel.
"…"
"Sige na, ‘wag ka nang mahiya. Gusto ko lang namang makipagkilala."
>SPLAK!!!<
Simuna noon, lalong umigting ang pagnanasa ni Miguel kay Valerie. Pakiramdam niya’y isang mabangis na hayop iyon, at hindi siya makakapayag na hindi niya ito mapaamo. Ngunit, sa kabila ng kanilang hindi magandang simula ay unti-unting nagkapalagayan na sila ng loob. Kung noong una ay nais niya lamang na paglaruan si Valerie, gaya ng kanyang ginawa sa ibang mga babae, ngayon ay nagbago na rin siya.At dumating din ang araw na naramdaman niyang hindi na niya kailangang mapoot sa kanyang ina o sa ibang mga babae dahil natutunan na rin niyang magmahal ng isang babae.
Ang babaeng iyon ay si Valerie.
Lumipas ang mga araw ay nagkatuluyan na rin ang dalawa.
Siguro nga, sila ang itinadhana.
* * * * *
"Miguel, kelangan nating mag-usap."
"Ano ‘yun?"
"Hindi ko alam kung papaano ito sasabihin sa ‘yo."
"May problema ba?"
"…"
"Valerie?"
"…"
"Sabihin mo."
"…"
"…"
"Buntis ako."
Biglang nagliwanag ang mundo ni Miguel. Ang pamilyang minsan nang ipinagkait sa kanya ng tadhana ay ngayo’y mabubuo na. Siya na mismo ang bubuo ng sarili niyang pamilya. Alam niyang siya’y magiging mabuting ama at si Valerie naman ay magiging mapagmahal na ina. Panahon na upang ituwid ang mga pagkakamali sa kanyang buhay. Napakasaklap lumaki ng walang mga magulang at ngayo’y magiging magulang na siya, titiyakin niyang hindi kailanman sasapitin ng kanyang anak ang pait na pagiging isang abandonadong anak.
Buo na ang kanyang desisyon. Pakakasalan niya si Valerie.
Ngunit ang hindi niya alam, iba pala ang nakatadhana.
* * * * *
Minsan talaga, masakit magbiro ang tadhana. Ang mga pangarap na kay tagal binuo ay maaaring maglaho sa isang kisapmata. Ngunit di naman kaya kalabisan na kung ang tangi mong pag-asang mabuhay ay siya ring iyong ikamamatay?
Umuwi si Valerie sa kanyang probinsya upang magpaalam na magpakasal Hindi na niya pinasama si Miguel dahil di naman siya magtatagal doon. Ang hindi nila alam, iyon na ang huli nilang pagkikita.
Naguguluhan pa rin si Miguel. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, hindi niya kaya itong paniwalaan. Hindi niya alam kung anong kasalanang kanyang nagawa upang pagtaksilan nalaman sila ng ganoon ng tadhanang nagbuklod sa kanila.
Nagsimula na ang unos. Ngunit hindi nya iiwan si Valerie. Hawak niya sa kanyang mga kamay ang sulat na habilin sa kanya ng kanyang kasintahan. Pinilit niyang muling basahin at unawain ang katotohanan sa gitna ng malakas na ulan at mahapding mga luha.
"…niloko nila tayo…"
"…silang lahat…"
"…hindi ko matanggap…"
"…wala kang kasalanan…"
"…patawarin mo ako…"
"…mahal na mahal kita…"
"…paalam."
Pinatay ng tadhana si Valerie. Pinatay ng tadhana ang kanilang magiging anak. Pinatay ng tadhana ang kanilang mga pangarap. Para na ring pinatay ng tadhana si Miguel.
Nakatayo pa rin si Miguel sa gitna ng unos. Nagtatanong. Bakit si Valerie pa? Kasabay ng malakas na ulan ay ang pag-agos ng mga alaala ng babaeng minahal niya ng tunay. Napakahirap ibaon sa limot ang kanyang mga mapupulang labi, ang kanyang mga masasarap na halik, ang kanyang mga maiinit na yakap, at ang kanyang pag-ibig na walang kapantay.
Minsan na silang naging isa, at ngayo’y muli silang pinaghiwalay.
Minsan lamang napaibig nang wagas si Miguel. Minsan na rin niyang naramdaman ang pagmamahal na ipinagkait sa kanya.
Ang buhay niya ay isang mahabang paghahanap at paghihintay. Iyon ay ang paghahanap sa pagmamahal na kailanman ay hindi niya naramdaman sa isang pamilya at paghihintay sa taong makapagpupuno sa puso niyang tigang sa pagmamahal.
Nahanap na niya si Valerie. Naramdaman niya kay Valerie ang pagmamahal na kanyang hinahanap.
Basang-basa na sa ulan si Miguel. Kaharap niya ang puntod ng babaeng nagligtas sa kanya sa mundo ng kamunduhan at nagbigay sa kanya ng pagmamahal na hindi niya naramdaman sa isang ama o ina.
Kaharap niya ang puntod ni Valeria. Kaharap niya ang puntod ng kanyang nakababatang kapatid.
-30-
0 Responses to “Karnal I”
Leave a Reply